Miyerkules, Nobyembre 18, 2015

Ang Malawakang pakahulugan ng Surah Alfa-tiha


Sa malapit nitong pakahulugan: 
Sa lahat ng mga pangalan ng Allah تعالى, ni Rahman ang maawain, ni Rahim ang mahabagin.* 
1- Ang lahat ng pagpupuri at pasasalamat ay natatangi lamang sa Allah تعالى, kay Rabbal 'Alamin - ang panginoon at tagapangasiwa ng sanlibutan. 
2- Kay Rahman - ang maawain at kay Rahim -ang mahabagin. 
3- Kay Malik ang tanging hari sa Araw ng paghuhukom, dahil ito ay kanyang pag-aari.
4- Ikaw lamang ang aming sasambahin at Ikaw lamang ang aming hihingan ng tulong. 
5- Igabay nawa sa amin ang tuwid na landas. 
6- Landas na tinahak ng mga mananampalataya na pinagkalooban Mo nito. 
7- At ilayo nawa kami sa landas ng mga isinumpa at kinamuhian at gayundin sa landas ng mga nangaligaw. 

Sa malawakan nitong pakahulugan: 
* - Sisimulan ko sa lahat ng mga pangalan ng Allah تعالى; sapagkat ang katagang “ism” ay isahan at ginamit bilang tambalang pangngalan**, kung kaya ito ay sumasaklaw sa lahat ng mga dalisay na pangalan ng Allah تعالى.
      Ang katagang “Allah” ay nangangahulugan na ang tunay at karapat-dapat na sambahin nang nag-iisa na walang katambal dahil sa kanyang taglay na mga katangiang pang-diyos - ang ganap at tigib na mga katangiang banal.
“ni Rahman, ni Rahim” mga pangalan ng Allah تعالى na nagsasaad na Siya ay nagtataglay ng ganap at malawak na awa na sumasaklaw sa lahat ng bagay, lahat ng may-buhay. At ipagkakaloob ito ng Allah تعالى  nang ganap sa mga mananampalatayang matatakutin sa Kanya, samantala ang iba naman ay mapagkakalooban ng habag batay sa kanilang pangangailangan.
        At iyong pakaalamin, na kabilang sa mga pamantayan na napakagkasunduan ng mga pantas ng Ahlus Sunnah wal Jama-'a  ~ ang pananampalataya sa lahat ng mga dalisay na pangalan ng Allah تعالى at gayundin sa kanyang tinataglay na mga dakilang katangian at ang napapaloob sa mga ito. Kung kaya sila ay nanámpalataya na Siya si Rahman at Siya si Rahim, ang nagtataglay ng awa na sumasaklaw sa lahat ng nilalang, at lahat ng mga biyayang natatamasa ay sanhi at dulot ng kanyang ganáp na awa. At sa ganitong pamamaraan nararapat tahakin patungkol sa mga natitirang mga pangalan at katangian.
        Katulad na lamang ng katagang ‘Alim/ عليم , marapat lamang na paniwalaan natin na Siya si 'Alim na taglay ang tigib ng kaalaman, dulot nito, alam niya ang lahat mapalantad man o lihim. At gayundin ang katagang قدير / Qadir, marapat lamang na paniwalaan natin na Siya si Qadir na taglay ang ganap na kakayahan at kapangyarihan, dulot nito ay walang bagay ang lalabas sa kanyang kakayahan, lahat ay kaya niya at walang makakapigil sa kanya kung kanya lamang ito nanaisin.







==============
Talababaan:
* ang Basmalah ay hindi kabilang sa Kabanatang ito. - ito ang pinatunayan ng mga kilalang pantas ng Islam, tulad ni Sheikh Bin Baz رحمه الله.
** hindi man ito tambalan matapos maisalin-wika dahil sa pangangailangan ng pang-ukol na “ng” ngunit ang pamamaraang ito sa balarilang Arabiko ay nagsasaad sa pagkasaklaw ng isahan o pagkamaramihan nito. Katulad ng sinabi ng Allah تعالى :
{وإن تعدوا نعمة الله لا تحصوها } إبراهيم : ٣٤
kung saan ang katagang “ni’mah” ay isahan at nangangahulugan na maramihan dahil sa Arabikong pamamaraang ito. Kung kaya'y maisasalin ito bilang: “Kung inyo lamang bibilangin ang mga biyaya ng Allah تعالى ay hinding-hindi ito makakayanang bilangin."

~  #296tafseer ~

1- (الحمد لله) - ito ay pagpupuri sa Allah تعالى sa Kanyang ganap na mga katangian at sa Kanyang mga gawa na sanhi ng Kanyang pagka-makatarungan at lubos na kabaitan. Sa kanya lamang natatangi ang ganap na pagpupuri sa lahat ng aspekto nito.
      ( رب العالمين) - ang Rabb ay siyang taga-pangasiwa sa lahat ng mga mundo ng mga nilalang na magkakatulad*, at pagsusustento sa mga pangangailangan nila at pagkakaloob sa kanila ng mga biyaya. At kung lamang ang mga ito ay ipagkakaít sa kanila ay hindi magiging wasto ang kanilang pamumuhay, bagkus hinding-hindi sila mabubuhay. Kung kaya ang lahat ng ito ay maituturing na biyayà mula sa Kanya.
      At ang Kanyang pangangasiwa sa Kanyang mga nilalang ay maiuuri sa dalawa:
    Una: Ang pangkalahatang pangangasiwa 
    Pangalawa: Ang natatanging pangangasiwa at pangangalaga     
      Ang pangkalahatan ay siyang pagkakalikha sa kanila at pagbibiyayâ sa kanila at pagpapatnubay sa kanilang kamunduhang bagay tungo sa ikabubuti ng kanilang kalagayan.
       At ang natatanging pangangasiwa namán ay siyang pangangalaga sa mga mananampalatayang maka-diyos at matatakutin sa Kanya. Kanya silang ginagabayan sa tamang pananampalataya at tinutulungan silang maging ganap ang kanilang pananampalataya at pinuprotektahan sila mula sa mga bagay na maglilihis at sasagabal sa kanila sa pagtahak ng matuwid na landas. Alalaong baga, ito ang pangangasiwa at paggabay sa kanila sa lahat ng ikabubuti nila - maging ito man ay maka-mundo o maka-kabilang-buhay - at pangangalaga sa kanila mula sa mga masasama. Ito marahil ang lihim na dunong kung bakit halos lahat ng mga propeta ay nanalangin gamit ang dakilang pangalang ito - “Rabb”. Dahil sila ang nangunguna sa mga maka-diyos at matatakutin sa Kanya. At lahat ng kanilang pangangailangan ay napapaloob sa natatanging pangangasiwang ito.
        Malalaman natin sa mga nabanggit, na ang pangalang ito - “Rabbal ‘A-lamin ” ay nagpapatunay lamang sa Kanyang kaisahan sa paglikha, pangangasiwa, pagkakaloob ng mga biyaya, at ang Kanyang ganáp na pagkakumpleto na walang pangangailangan kaninuman. At nagpapatunay sa ganap na pangangailangan ng lahat ng mga nilalang sa Kanya, sa lahat ng oras at sitwasyon.

3- ( مالك يوم الدين) -ang katagang “Malik” ay siyang nagtataglay ng mga katangiang panghari at dulot nito ay Siya lamang ang may karapatang mag-utos at magbawal, gumawad ng gantimpala at gumawad ng parusa, at magpagusto sa Kanyang pag-aari anuman ang Kanyang naisin.
          At Kanyang itinambal ang pangalang ito - “Malik” sa Araw ng paghuhukom; ito ang Araw ng muling pagkabuhay, araw na kung saan igagawad sa sangkatauhan ang kapalit ng kanilang mga gawain; mabuti man o masama, dahil sa araw na yaon Siya ang mananaig at maghahari nang lubos at ganap sa ngalan ng Kanyang pagkahari, pagkamakatarungan, at pagkamaalam at mambabatas. At walang sinuman ang maghahari sa naturang araw na yaon. Hanggang sa iyong makikita ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng mga nilalang, - ang dating mga hari at mga pinuno at noo'y alipin at inaalila. Lahat sila ay mapapasa-ilalim sa Kanyang kaharian at kapangyarihan, naghihintay ng kanilang paglilitis at paghuhukom, umaasa at umaasam sa kanilang mga gantimpala, at natatakot sa kaparusahan ng kanilang pagkakasala.
           At iyan ang dahilan ng tambalan ng mga pangngalang “Malik” at “Araw ng paghuhukom”. Ito ay pagbibigay-diin sa kahalagahan ng araw na ito, araw na marapat lamang paghandaan ng bawat isa. Ngunit hindi lingid sa ating kaalaman na Siya rin ang nagmamay-ari ng lahat ng mga araw.




====================
Talababaan: 
* sa bagay na ito kailangan ilihis ang salita ng may-akda sa tamang pagbibigay-kahulugan ng Arabikong termino na “‘A-lamin”. Sa balarilang Arabiko ito nasa anyo ng maramihang panlalaki. Ang isahan nito ay ‘a-lam na nangangahulugan sa malapit nitong pagsasalin : “mundo” o “daigdig”. Sapagkat ang terminong ‘a-lam ay tumutukoy sa lipon ng mga nilalang na magkakatulad. Kung kaya, maaaring sabihin: mundo ng mga anghel, mundo ng mga tao, mundo ng mga espiritu, mundo ng mga hayop atbp. Ang lahat ng iyan ay nasasaklaw ng terminong ito. Ngunit sa malapit nitong pakahulugan maaari nang sabihin na “sanlibutan”.

~ #296tafseer ~

4-
( إياك نعبد وإياك نستعين )
     Ilalaan lamang sa Iyo at tinatangi lamang sa Iyo ang lahat ng pagsamba at paghingi ng tulong nang nag-iisa at walang katambal. Ang pamamaraang ito sa balarilang Arabiko ay tumutumbas sa pukos ng pandiwa sa layon, na siyang nagsasaad sa pagkapukos ng láyon sa tagatanggap at hindi maaaring ilaan maliban sa kanya. Para na ring sinabi na “Sasambahin Ka namin at wala na kaming sasambahin maliban sa Iyo at sa Iyo Iamang kami hihingi ng tulong at wala nang iba.”
     Naunang binanggit ang pagsamba (sasambahin) sa paghingî ng tulong (hihingan) sapagkat ang pagsamba ay may mas malawak na saklaw kaysa sa paghingi ng tulong. Bagkus ang paghingi ng tulong sa kanya ay isang uri ng pagsamba. At dahil ang karapatang pang-diyos ay nangunguna sa karapatang pantao.
     At ang pagsamba ay siyang lahat ng bagay na kalugud-lugod sa Allah تعالى maging ito man ay magpagawa o mapasalita, palihim man o hayag.
     At ang paghingi ng tulong ay siyang pag-asa sa Allah تعالى na kanyang ipagkaloob ang kabutihang hinihingi at ilayo ang kasamaang hinihingi nang may ganáp na paniniwala sa kakayahan ng Allah تعالى.
     Ang pagsasakatuparan at pagsasabuhay sa dalawang bagay na ito - ang pagsamba at paghingi ng tulong sa kanya ay siyang susi ng panghabang-buhay na kasiyahan at kaligtasan mula sa lahat ng kasamaan at kapinsalaan. At wala nang ibang paraan maliban dito. At ang wastong pagsamba ay nasa katuruan ng Propeta صلى الله عليه وسلم at nasa kalinisan nito mula sa pagtatambal. At sa dalawang bagay na ito - ang ikhlas at mutaba-a,sinsiredad at alinsunod sa katuruan ng Propeta صلى الله عليه وسلم ang batayan ng pagkawasto ng gawain bilang pagsamba. At sinundan lamang ito ng paghingi ng tulong kahit na ito ay nabibilang din sa mga pagsamba, dahil sa matinding pangangailangan ng isang alipin sa lahat ng kanyang pagsamba sa Allah تعالى. Sapagkat kung wala ang tulong at gabay ng Allah تعالى ay hindi siya magagabayan sa pagsasagawa ng mga pagsamba.
     At pagkatapos, sinabi ng Allah تعالى :
5-
اهدنا الصراط المستقيم
       - igabay at ituro nawa sa amin ang matuwid na landas; ang malinaw at malinis na daan, malinaw na matatanaw ang patutunguhan, malinis mula sa kapahamakan at kaliluhan, daan patungo sa Allah تعالى at sa Kanyang paraiso. Ito ang daan ng tunay na kaalaman at pagsasakatuparan nito sa puso, isip at gawa.
         Nawa'y gabayan Mo  kami sa paglalakbay sa matuwid na landas at gayundin sa pagtahak nito. Ang gabay sa paglalakbay tungo sa matuwid na landas ay sa pamamagitan ng pagyakap sa relihiyong Islam. At ang gabay sa pagtahak nito matapos itong mamalas ay sa pamamagitan ng pagsasakatuparan sa lahat ng mga bagay na sinasaklaw ng Islam - pag-uutos man o pagbabawal, mapa-panloob man na gawain o panlabas.
          Ang panalanging ito ay lubos na sumasaklaw sa lahat ng ikabubuti ng isang muslim sa kanyang mundo at maging sa kabilang mundo. Kung kaya nama'y nararapat sa isang muslim na panghawakan ang panalanging ito sa bawat pagtayo ng pagsamba dahil sa tindi ng kanyang pangangailangan sa naturang panalangin.
        At ang matuwid na landas na ito ay;
6-7  siyang landas na tinahak ng mga sugo’t propeta, mga nabansagang matatapat, mga martir sa landas ng Jihad at mga nabansagang maka-diyos na mananampalatayang may takot nang tapat. At hindi yaong landas na tinahak ng mga  isinumpa at kinamuhian dahil kanilang tinalikuran ang katotohanan matapos itong mapag-alaman; sila ang mga hudyo at sinumang natutulad sa kanila. At gayundin ang landas na tinahak ng mga nangaligaw at lumayo sa katotohanan nang hindi nila nalalaman; sila ang mga kristiyano at sinumang natutulad sa kanila.
       Ang kabanatang ito, sa kanyang kaiklian, ay nagtataglay ng mga bagay na hindi taglay ng ibang mga kabanata. Sapagkat napapaloob sa kabanatang ito ang tatlong uri ng kaisahan ng Allah تعالى:
I- ang Kanyang kaisahan sa pagka-diyos na napapaloob sa salitang “Rabbal ‘A-lamin”,
II- ang Kanyang kaisahan sa pagsamba; ang sambahin siya nang nag-iisa at walang katambal, na napapaloob sa salitang “Allah” at sa buong talata na ika-lima,
III- ang Kanyang kaisahan sa kadalisayan at kakumpletuhan ng mga pangalan at mga katangian; ito ang pananampalataya sa mga pangalan at katangian na Kanyang inilarawan sa Kanyang sarili at inilarawan sa Kanya ng Kanyang Propeta صلى الله عليه وسلم.
       At ito ay napapaloob sa salitang “Alhamdu” tulad ng nasabi ng may-akda.
       At napapaloob din dito ang pagpapatunay sa propesiya ng mga propeta na nasa ika-anim na talata dahil hindi ito magiging ganap kung wala ang pagsusugo sa iilan sa kanila.
       At napapaloob din sa kabanatang ito ang paniniwala na bawat gawain ay may gantimpalang kapalit, ito ay nasa ika-apat na talata. At ang paggawad ng gantimpala ay dulot ng Kanyang pagka-makatarungan. Sapagkat ito ang layunin ng paghuhukom.
       At napapaloob din dito ang pananampalataya sa tadhana at kapalaran, at ang bawat tao ay may kakayahang mamili. Hindi tulad ng pinaniniwalaan ng mga Qadari at mga Jabri.
      Bagkus, napapaloob dito ang kasagutan ng lahat ng mga makabagong panrelihiyon at kaligawan. Ito ay napapaloob sa ika-anim na talata. Sapagkat ito ay nagsasaad sa kaalaman sa katotohanan at pagsasakatuparan nito. At tumataliwas sa nasaad na ito ang sinumang nagtataglay ng makabagong panrelihiyon at pagkaligaw.
      At napapaloob din dito ang kadalisayan at kalinisan ng relihiyong Islam mula sa pagtatambal at ang pag-uukol nito nang tangi sa Allah تعالى, ito man ay pagsamba o paghingi ng tulong. Ito ay nasa ika-limang talata.

الحمد لله رب العالمين


ترجمه أبو حيان

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento