Sa malapit nitong pakahulugan:
1- Sumpa man sa araw *.
2- At sa gabi, kapag kanyang binalot ang mundo ng dilim.
3- Tunay na hindi ka iniwan ng iyong Rabb - ang iyong tagapangasiwa at hindi Siya sa iyo ni minsa'y nagalit.
4- At ang iyong magiging kalagayan sa kabilang-buhay ay di-hamak na mas mainam kaysa sa iyong naturang kalagayan.
5- Sapagkat ipagkakaloob sa’yo ng iyong Rabb, iyong tagapangalaga ang lahat ng ikalulugod at ikasisiya mo nang lubusan.
6- Hindi ba't natagpuan ka Niyang ulilang walang mga magulang at ikaw'y Kanyang inaruga sa Kanyang kanlungan?
7- Hindi ba’t nakita ka niyang walang nalalaman patungkol sa mga kasulatan at sa pananampalataya at ikaw'y Kanyang ginabayan?
8- At hindi ba’t natagpuan ka Niyang may mga pangangailangan at ikaw'y Kanyang tinugunan?
9- Kung kaya ang isang ulilang tulad mo ay huwag pagtabuyan.
10- At ang isang nangangailangan ay huwag sanang talikuran.
11- At ang mga biyaya ng iyong Rabb - ang iyong tagapagtustos ay nararapat lamang na pasalamatan, ipagmalaki't pag-usapan.
Sa malawakan nitong pakahulugan:
(1-3) Sumumpa ang Allah تعالى sa araw at gabi, sa araw na kung saan ang kanyang liwanag sa ibabaw ng mundo ay tumatalamak, at sa gabi na kung saan ang kanyang kadiliman ay bumabalot sa mundo nang puro’t payak; panunumpa sa kadakilaan ng mga tandang ito sa Kanyang matinding pag-aalaga sa kanyang propeta صلى الله عليه وسلم kung kaya’y Kanyang sinabi :
مَا وَدَّعَكَ رَبُّكَ وَمَا قَلَى
Hindi ka Niya iniwan at ni pabayaan mula nung ikaw’y Kanyang inalagaan. Bagkus Siya ay patuloy sa iyong ganap na pangangalaga at sa paghubog sa’yo tungo sa iyong ikararangal. At mas lalong hindi Siya nagalit sa’yo mula nung ikaw’y Kanyang minahal.
Sapagkat ang pamamaraan ng ganitong pananalita ay nagsasaad at nagpapatunay sa ganap na kabaliktaran nito. At sa ganitong paraan lamang nagtataglay ang ganitong uri ng pananalita ng pagpupuri.
At iyan ang kalagayan ng Propeta صلى الله عليه وسلم sa kanyang nakaraan at maging ang ang kanyang kasalukuyan , lubos ang Kanyang pangangalaga, pagmamahal at paghubog sa kanya upang maging isang ganap na alipin.
(4) At pagdating naman sa kanyang hinaharap at kinabukasan, sinabi ng Allah تعالى :
وَلَلآخِرَةُ خَيْرٌ لَّكَ مِنَ الأُولَى
Ang lahat ng iyong mga natitirang kalagayan ay mas mainam kaysa sa mga nauna. At patuloy pa siya sa pagtaas sa kanyang karangalan hanggang sa ikumpleto sa kanya ng Allah تعالى ang Kanyang relihiyon, tulungan siyang manaig sa mga kumakalaban sa kanya at magabayan siya sa kanyang mga kalagayan. At hanggang sa kahuli-hulihan ng kanyang buhay, sa kanyang pagpanaw ay naabot ang karangalan na wala pang nakaabot nito.
(5) at pagkatapos ng lahat ng mga ito, ay huwag nang alamin at tanungin ang kanyang magiging kalagayan sa kabilang buhay. Sapagkat Kanyang sinabi:
وَلَسَوْفَ يُعْطِيكَ رَبُّكَ فَتَرْضَى
Sapagkat ipagkakaloob sa’yo ng iyong Rabb, iyong tagapangalaga ang lahat ng ikalulugod at ikasisiya mo nang lubos. - ang bagay na ito ay hindi halos maisapaliwanag maliban sa ganitong pamamaraan ng pananalita na sumasaklaw sa lahat ng kanyang ikalulugod at hindi ito matutumbasan ng anumang salita.
(6-8) Pagkatapos ay ipinaalala sa kanya ang kanyang mahahalagang nakaraan na hinding hindi niya makakalimutan, at sinabi ng Allah تعالى :
أَلَمْ يَجِدْكَ يَتِيمًا فَآوَى ٰ
Hindi ba't natagpuan ka Niyang ulilang walang mga magulang? bagkus pumanaw sila nung siya ay paslit pa lamang, bagamat siya ay inaruga sa kalinga ng Allah تعالى sa pamamagitan ng kanyang lolo na si Abdulmuttalib, at kapalit ng kanyang pagpanaw ay ang kanyang Tito na si Abu Talib,na nagsilbi na ring bilang kanyang mga magulang, bagkus ay higit pa, hanggang sa ipinatamasa sa kanya ang tagumpay sa pamamagitan ng mga mananampalataya - ang mga Sahabah.
وَوَجَدَكَ ضَالًّا فَهَدَى
Hindi ba’t nakita ka niyang walang nalalaman patungkol sa mga banal na kasulatan at patungkol sa pananampalataya at pagsasagawa nito, bagkus hindi mo alam ang pagsulat at ni pagbasa, ngunit itinuro sa’yo ang mga bagay na hindi mo nalalaman, at ginabayan ka tungo sa mabubuting asal at gawa?
وَوَجَدَكَ عَائِلًا فَأَغْنَى
At hindi ba’t natagpuan ka Niyang may mga pangangailangan at ito ay Kanyang tinugunan, at binuksan sa’yo ang maraming kalupaan, at natipon sa’yo ang likas na yaman nito’t nilalaman, hindi baga’t ang Siyang may kakayanang punan ang mga pangangailangan at kakulangang ito ay Siyang labis na may kakayanang pupunan ang lahat ng iyong kakulangan? Kung kaya’t ang Siyang naging dahilan ng iyong karangyaan at Siyang kumalinga,tumulong at naggabay sa’yo ay iyo Siyang pasalamatan sa Kanyang mga biyaya sa’yo nang lubusan.
(9-11) Kung kaya naman ay itinuro sa kanya ang pamamaraan ng lubusang pasasalamat at Kanyang sinabi:
فَأَمَّا الْيَتِيمَ فَلَا تَقْهَرْ
Kung kaya’y huwag mong pakitunguhan nang masama ang isang ulilang tulad mo, huwag mo siyang pagkaitan ng kanyang pangangailangan at huwag mo siyang ipagtabuyan. Bagkus, iyo siyang bigyan ng halaga at ipagkaloob sa kanya anumang iyong makakaya, pakitunguhan siya sa paraang nais mong pakitunguhan ang iyong anak na sa’yong pagpanaw ay muulila.
وَأَمَّا السَّائِلَ فَلَا تَنْهَرْ
At huwag naman din sanang sumbatan ang sinumang humihingi ng kanyang pangangailangan, o pagsalitaan sa paraang hindi kanais-nais na siyang magtataboy sa kanya mula sa’yo. Bagamat siya ay pagbigyan at ibahagi sa kanya anumang mayroon ka. Ngunit iyo siyang tanggihan sa maayos na pamamaraan at pakikipagkapwa-tao.
At nasasaklaw ng talatang ito ang taong humihingi ng kanyang pangangailangang pangkayamanan at pangkaalaman. Kung kaya naman ang isang mangangaral ay nasasaklaw ng kautusang ito - nararapat niyang pagbutihan ang kanyang pakikitungo sa mga mag-aaral, pakikipagkapwa-taong marangal at paglalambing sa kanila sa naaangkop na paraan. Sapagkat ang ganitong pamamaraan ay nakakatulong nang lubos sa kanilang pag-aaral, at humuhudyat sa pagpaparangal sa mga tulad nilang nag-aaral na naghahangad ng kabutihan para sa sankatauhan at kapayapaan para sa sandaigdigan.
وَأَمَّا بِنِعْمَةِ رَبِّكَ فَحَدِّثْ
At ang talatang ito sumasaklaw sa lahat ng uri ng mga biyaya - ito man ay makamundo o maka-kabilang mundo.
At pasalamatan mo ang Allah تعالى sa Kanyang mga biyaya, at maaari mong banggitin kung kinakailangan at ipagmalaki, at kung hindi man din kailangan ay kahit na ipagmalaki ito bilang kabuuan. Sapagkat ang pagmamalaki ng mga ito na walang pagmamayabang ay magsasanhi ng lubusang pasasalamat at magsasanhi ng karagdagang pagmamahal sa Allah تعالى na Siyang pinagmulan ng mga biyayang ito. Sapagkat likas na sa kalooban ang pagmamahal sa sinumang pinagmumulan ng kabutihan.
=====================
Talababaan:
* ito ang tamang pakahulugan ng katagang “dhuha” at hindi ang “umaga”, sapagkat dalawa ang pakahulugan nito sa Quran batay sa gamit nito:
Una: Kapag ito ay ginamit kasabay ng katagang “layl” (gabi) ito ay nangangahulugan ng kasalungat nito - ang buong araw. Katulad ng talata ng Nazi’a-t
(وأغطش ليلها أخرج ضحاها )
Sa malapit nitong pakahulugan: at pinadilim Niya ang gabi at pinaliwanag ang araw.
Pangalawa: Kapag hindi naman binanggit kasabay niyâ ang gabi, ito ay nangangahulugan ng “umaga” at hindi lahat ng umaga bagama’t ito ay mas maikli pa kaysa sa hapon - tinatayang humigit kumulang tatlong oras bago sumapit ang tanghali. Katulad ng huling talata ng Nazi’a-t
( كأنهم يوم يرونها لم يلبثوا إلا عشيـة أو ضحاها )
Sa malápit nitong pakahulugan:
“Ang kalagayan ng mga di-mananampalataya sa Araw ng muling pagkabuhay ay kanilang sasabihin na ang pamamalagi nila sa mundo ay wari bang napakaikling tunay. Para bagang sila ay namalagi lang ng kasintagal ng hapon o kaya naman ay mas maikli pa rito sa umaga nito.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento