Sa malapit nitong pakahulugan:
Sa lahat ng mga pangalan ng Allah تعالى , si Rahman ang maawain, si Rahim ang maawain.
1- Sumpa Ko sa igos at punong oliba,2- at sa Bundok Sinai ng golpong Agaba,
3- at sa dakilang lugar na itong payapa.
4- Tunay ngang nilikha Namin ang mga tao sa pinakamagandang anyo sa lahat ng mga nilalang sa balat ng lupa.
5- At pagkatapos ay gagawin lang Namin sila sa kailaliman ng Impiyernong Apoy.
6- Maliban sa silang mga nagsisisampalataya at gumagawa ng mga mabubuti, sapagkat mapapasa-kanila ang gantimpalang walang humpay.
7- Ngunit sa kabila ng lahat, ano pa ba ang naghimok sa'yo upang pasinungalingan ang Araw ng paghuhukom?
8- Hindi ba't ang Allah تعالى ay Siya si Ahkamal Hakimin - ang ganap na marunong sa lahat ng mga marurunong at ang ganap na hukom sa lahat ng mga hukom?
Sa malawak nitong pakahulugan:
(1-3)
Ang igos ay bunga o prutas ng isang uri ng punongkahoy na (Ficus carica) na nagpapalit ng mga dahon taon-taon at namumunga ng prutas na maliit, malambot, hugis peras at maraming buto. At ang oliba ay ang bunga o langis ng punongkahoy na olibo: ( Olea europaea) na laging lungti, may dahong tila katad, pinilakan ang ilalim, at hugis tulis ng sibat; sumumpa ang Allah تعالى sa dalawang punongkahoy na ito dahil sa dami ng pakinabang ng mga punong ito at maging ang mga prutas nito at dahil sa ang mga ito ay tumutubo lamang sa kalupaan ng Levant*, lugar ng pagsugo kay Propeta Isa / Hesus na anak ni birheng Maria عليه السلام, at sa Bundok Sinai**, lugar ng pagsugo kay Propeta Musa / Moses عليه السلام, at sa payapang lugar na ito, lugar na kung saan isinugo si Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم, ang banal na lugar ng Makkah.
Sumumpa ang Allah تعالى sa mga dakilang lugar na ito bilang pagpili sa mga maiinam na lugar upang isugo ang mga maiinam na propeta.
(4)
Ito ang talatang ito ang sinumpaan ng Allah تعالى ; Tunay ngang nilikha Namin ang mga tao sa pinakamagandang anyo sa lahat ng mga nilalang sa balat ng lupa. - sa kumpletong pagkakalikha, tumpak na pagkakalagay ng bawat bahagi ng katawan, matikas at matipunong pangangatawan, at nang walang labis at walang kulang sa lahat ng kanyang pangangailangan.
(5-6)
At sa kabila ng mga dakilang biyayang ito na dapat sanang suklian ng pasasalamat at pagtalima, ang karamihan ng mga tao ay ligaw sa pasasalamat sa Poong punung-puno ng grasya dahil abala sa mga di-makabuluhang bagay, at kontento na sa mga bagay na walang halaga at sa kanilang malaásal-háyop. Kung kaya naman sila ay ilalagay sa pinakailalim ng Impiyernong naglalagablab, lugar na nararapat lamang sa mga walang halaga at masahol pa sa mga hayop; mga suwail at sukdulang makasalanan. Maliban sa silang mga ginabayan ng Allah تعالى at pinagkalooban ng tunay na pananampalataya, pagsasabuhay nito at matuwid at mataas na pag-uugali. Sapagkat ng dahil sa pagkilala nila sa taas ng kanilang antas sa lahat ng mga nilalang, mapapasa-kanila ang gantimpala na walang humpay at walang tigil, patuloy na pagpapala. Bagkus, kasiyahan na kay tindi, walang katapusang tuwa’t ngiti at biyayang walang tigil at kay rami, mananatili magpakailan ma'y hindi maglalaho, at patuloy na mga biyayang hindi magbabago.
(7-8)
Ngunit sa kabila ng lahat, ano pa ba ang naghimok sa'yo upang pasinungalingan ang Araw ng paghuhukom? - sa kabila ng pagkalikha sa'yo sa pinakamainam na anyo, anong bagay pa nga ba ang nag-udyok sa'yo upang pasinungalingan ang Araw ng paghuhukom, araw ng paggawad ng gantimpala sa mga gawain, mabuti man o masama. Gayung marami nang mga palatandaan ng Allah تعالى ang iyong napagmasdan at namataan na magdudulot tungo sa kasiguruhan, at mga biyayang iyong natamasa at nakamtan na marapat mong hindi pasinungalingan ang mga bagay tulad ng Araw ng paghuhukom.
Hindi ba't ang Allah تعالى ay Siya si Ahkamal Hakimin - ang ganap na marunong sa lahat ng mga marurunong at ang ganap na hukom sa lahat ng mga hukom?
Naaangkop na sa Kanyang tigib na karunungan na mauuwi na lamang sa wala ang Kanyang dakilang paglikha sa mga nilalang? Ni hindi na uutusan, ni hindi na pagbabawalan, ni hindi na gagawaran at ni hindi na paparusahan? O kaya naman ang Siyang lumikha sa mga tao nang pa-baitang, pinagkalooban ng mga biyayang di-mabilang-bilang, at nangasiwa sa kanila at naghubog sa maayos na paraan ay nararapat at naangkop sa Kanyang dunong na ibalik sila sa kanilang tunay na tirahan pagkatapos nilang mahusgahan.
Natapos na't papuri para sa Allah تعالى at pasasalamat.
===============
Talababaan:
* kilala rin bilang rehiyon ng Syria o Silanganing Mediterraneo. Ito ay isang rehiyong heograpiko at kultural na binubuo ng "silanganing littoral na Mediterraneo sa pagitan ng Anatolia at Ehipto". Ang Levant ay binubuo ngayon ng Lebanon, Syria, Jordan, Israel, Palestina, Cyprus at mga bahagi ng katimugang Turkey.
** Ang Sinai ay isang tangway o peninsula sa hilagang silangan ng Ehipto, sa hilagang dulo ng Dagat Pula sa pagitan ng mga golpong Suez at Agaba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento