Linggo, Disyembre 13, 2015

Ang Pakahulugan ng Surah Assharh ( Ang Pagbubukas at Pagpapalawak ng kalooban ng Propeta صلى الله عليه وسلم)



Sa malapit nitong pakahulugan:
1- Hindi ba't binuksan Namin ang iyong kalooban?
2- At pinatawad Namin ang iyong mga kasalanan,
3- Na siyang nagpapabigat sa iyong katungkulan?
4- At itinaas Namin ang iyong karangalan?
5- Sapagkat tunay na sa bawat paghihirap ay may kaginhawaan.
6- Tunay na sa bawat paghihirap ay may kaginhawaan.
7- Kung kaya, kapag ika'y nagka-oras ay magsikap sa iyong pagsamba't panalangin.
8- At sa iyong Rabb lamang ilaan ang iyong pag-asa't hangarin.


Sa malawakan nitong pakahulugan :
(1-4) Sinabi ng Allah تعالى bilang pagpapaalala sa Kanyang Propeta صلى الله عليه وسلم sa mga Kanyang biyaya at upang kilalanin itong utang na loob:
أَلَمْ نَشْرَحْ لَكَ صَدْرَكَ
Hindi ba’t binuksan Namin ang iyong kalooban upang punan ito ng mga dunong at kaalaman patungkol sa mga batas Islamiko at panawagan tungo sa Allah تعالى at para sa pagtataglay ng mga mabubuting asal at upang harapin nang lubusan ang kabilang-buhay at mapadali sa iyo ang lahat ng mga kabutihan? At hindi ito ginawang masikip na kay hirap tumanggap ng katotohanan.
وَوَضَعْنَا عَنكَ وِزْرَكَ#الَّذِي أَنقَضَ ظَهْرَكَ
At hindi ba’t pinatawad Namin sa iyo ang lahat ng iyong mga nauna at huling kasalanan na siyang magdadagdag-bigat sa iyong pinapasang tungkulin bilang isang sugo?
وَرَفَعْنَا لَكَ ذِكْرَكَ
At hindi ba’t itinaas Namin sa iyo ang iyong antas at ginawa Namin ang pagsambit at pagpupuri sa iyo na mabuti at walang katulad, na hindi pa naabot ng ibang mga nilalang. Kung saan ikaw ay nababanggit din kasabay ng pagbanggit sa Allah تعالى , katulad ng Shahadatayn ( testimony of faith), Adhan at Iqamah ( call-to-prayer), sa mga Khutba / pambungad ng mga sermon at iba pa. At kabilang na rin dito ang pagmamahal at respeto na tinataglay ng bawat mananampalataya. - Igawad nawa sa kanya ng Allah تعالى ang pinakamainam na kagawaran na walang katulad.


(6-5)

فَإِنَّ مَعَ الْعُسْرِ يُسْراً#إِنَّ مَعَ الْعُسْرِ يُسْرًا
Ang talatang ito ay nagtataglay ng napakagandang balita; na sa tuwing mayroong pait ng paghihirap at paghihinagpis, susundan ito ng tagumpay at ginháwang kay tamís. At kasabay ng hinanakit, may ginháwang masasapit. Tulad ng sinabi ng Allah تعالى :
( سَيَجْعَلُ اللَّهُ بَعْدَ عُسْرٍ يُسْرًا)
[سورة الطلاق 7]
Sa malapit nitong pakahulugan: Tunay na ipagkakaloob ng Allah تعالى ang kaginhawaan pagkatapos ng kahirapan.
At tulad sa sinabi ng Propeta صلى الله عليه وسلم : “Ang lunas ay kasama ng sakuna, at kasabay ng kahirapan ay may matatamong kaginhawaan. “
At ang pagka-tiyak ng katagang Al-usr ay nagsasaad sa bilang nitong isahan.Nangangahulugan na ang unang nabanggit na paghihirap ay siya ring paghihirap na nabanggit sa pangalawa. At ang pagka-di-tiyak ng katagang Yusr ay nagsasaad sa bilang nitong dalawahan. Nangangahulugan na ang ginwahang matatamo ay doble sa bilang ng paghihirap na natamo. At hindi matutumbasan ng isang kahirapan ang dobleng kaginhawaan *
At ang pagka-tiyak ng kahirapan gamit ang mga Arabik na titik na Al ay nagsasaad sa lawak na saklaw ng kahirapan, na kahit gaano katindi ng hirap na mararanasan, ay may ginhawa at tagumpay pa rin na inaasahan.

(7-8)
(فَإِذَا فَرَغْتَ فَانْصَبْ * وَإِلَىٰ رَبِّكَ فَارْغَبْ)
[سورة الشرح 7 - 8]

At pagkatapos ay inutusan ng Allah تعالى ang kanyang sugo, at maging ang kanyang mga taga-sunod na mananampalataya na maging mapagpasalamat at maisagawa nang nararapat ang karapatan ng mga biyaya. Kung kaya, Kanyang sinabi:
فَإِذَا فَرَغْتَ فَانْصَبَْ
At kapag ikaw ay natapos na sa iyong pinagkakaabalahan at wala nang sumasagabal sa iyong puso’t kalooban, magsikap at magtiyaga sa iyong pagsamba at mga panalangin, at sa iyong Rabb ang tagapaglikha at tagapangasiwa ay umasa at humangad na maririnig at matutugunan ang iyong mga panalangin, at matatanggap ang iyong pagsamba - pag-asa at paghahangad na walang katambal at pagdududa. At huwag matutulad sa mga taong may mga ekstrang panahon at wala nang pinagkakaabalahan ngunit kanila lamang inaaksaya ang mga panahong ito at hindi man lang nila ginamit bilang laan para sa Allah تعالى at sa kabilang buhay. Kung kaya't sila ay magiging talunan at nangalugi sa Araw ng paghuhukom.
At sinasabi na ang pakahulugan ng mga talatang ito ay: Kapag natapos mong isagawà ang Salah o sambahayang ay magsikap nang maigi sa panalangin sa Kanya at Siya lamang ang iyong aasahan at sa Kanya lamang maghahangad ng kasagutan sa iyong mga panalangin at wala nang iba.
At ang mga talatang ito ang pinanghahawakan bilang katibayan sa pagsasabatas ng panalangin at pag-aalala pagkatapos ng mga limang obligadong sambahayang.
Ang Allah تعالى ang mas higit na nakaaalam.
Natapos na't papuri para sa Allah تعالى at pasasalamat.

==============
Talababaan:
* ang nasabing pagpapakahulugang ito ay hindi naaayon sa balarilang Arabiko. Ang naayon sa balarilng Arabiko, ang pangalawang pangungusap ay walang kaugnayan sa nasabing bilang ng mga ito, ngunit ito lamang ay pag-uulit sa naturang pangungusap na nagpapahiwatig ng sukdulang kasiguruhan ng pagpapahayag na ito. Ito ay dahil na rin sa likas na katangian ng isang tao, sa panahon ng sakuna at pagsubok, dumádaig ang damdamin sa kaisipan. -nawawala ang kaisipan na mayroong ginháwang matatamo pagkatapos nito at ito ay isang pagsubok lamang. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento